Skip to main content
Release Date :
Reference Number :
2022-020

ILOCOS REGION.  Magsisimula sa 08 Agosto 2022 ang pagkalap ng mga datos para sa isasagawang 2022 Community-Based Monitoring System sa 35 bayan dito sa Rehiyon Uno.

Ang CBMS ay naglalayong abutin ang bawat isang sambahayan o household upang kapanayamin tungkol sa kanilang demographic at socio-economic characteristics at iba pang impormasyon na may kinalaman sa kanilang kalusugan, nutrisyon, istruktura ng bahay na tinitirahan, access sa malinis na tubig at palikuran, edukasyon, kakayahang bumasa’t sumulat, partisipasyon sa komunidad, trabaho at kabuhayan, at kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad. Ang mga impormasyong ito ay magsisilbing mga sukatan o indicators ng kalagayan ng pamumuhay ng mga sambahayan at mga komunidad sa ating bansa.

Ito ang unang pagkakataon na pangungunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang CBMS, alinsunod sa Republic Act No. 11315 o ang CBMS Act. Katuwang ng PSA sa pagpapatupad nito ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Department of Information and Communications Technology (DICT), na silang bumubuo ng CBMS Council. Kasama rin sa pagsasagawa at pagpapatupad nito ang mga lokal na pamahalaan o Local Government Units (LGUs).

Labing pitong (17) bayan sa rehiyon ang PSA-funded CBMS, alinsunod sa batas na kung saan ay popondohan ng PSA ang pagsasagawa ng CBMS sa mga 5th at 6th class municipalities. Kabilang dito ang mga sumusunod na mga LGUs:

PSA-funded CBMS

Ilocos Norte: Adams, Burgos, Carasi, at Dumalneg

Ilocos Sur: Gregorio del Pilar, Lidlidda, Nagbukel, San Esteban, San Ildefonso, San Vicente, Santa Catalina, Sigay, at Sugpon

La Union: Bagulin, Burgos, at Pugo

Pangasinan: Santo Tomas                                                                              

Samantala, labing walong (18) bayan naman mula sa apat na probinsya dito sa rehiyon ang LGU-funded CBMS kung saan ang kanilang lokal na pamahalaan ang magpopondo sa nasabing aktibidad. Kabilang rito ang mga sumusunod na bayan:

Ilocos Norte: Bacarra, Piddig, at Solsona

Ilocos Sur: Galimuyod, Quirino, Santiago, Santa Maria, Santa Lucia, at Suyo

La Union: Aringay, Bacnotan, Bangar, at Rosario

Pangasinan: Aguilar, Bautista, Bolinao, Mangatarem, at Pozorrubio                

Inaasahan na mula sa makakalap na datos ng CBMS, makakagawa ng mga polisiya at programa na makatutulong at magiging daan tungo sa magandang pagbabago sa buhay ng bawat isang sambahayan at pamilyang Pilipino hindi lamang rito sa Ilocos Region kundi sa buong Pilipinas.

 

SGD. ATTY. SHEILA O. DE GUZMAN
Regional Director, RSSO I